50 MILF todas sa sagupaan
Umaabot sa 50 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front rene gades ang napaslang sa patuloy na opensiba ng tropa ng militar sa Sarangani, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Col. Rainier Cruz, commander ng 1002nd Brigade ng Philippine Army na, tinatayang nasa 50 rebelde ang napatay sa pakikipag-engkuwentro sa tropa ng militar umpisa noong Agosto.
Sa panig ng militar, naitala naman sa isa katao ang napaslang habang lima naman ang nasugatan, ayon pa sa opisyal.
Gayunman, karamihan sa bilang ng mga napaslang na MILF rebels ay base sa intelligence report ng mga sibilyan at sa nasagap na radio communications ng militar mula sa mga kalaban.
Sinabi ni Cruz na isa namang malaking dagok sa 107th MILF Base Command ang pagsuko sa batas ng Deputy Commander nito na si Rico Watamama at tauhan nitong si Naser Bancil noong Martes.
Nadakip naman ng militar ang pitong miyembro ng Moro National Liberation Front renegades kabilang ang isang nag-AWOL na sundalo matapos silang maharang sa isang checkpoint sa Barangay Tambili, Kambili, Sarangani kamakalawa.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico ang dating sundalo na si ex- Private First Class Primitivo Aabo-Abo, dating miyembro ng 64th Infantry Battalion na nag-AWOL (Absence Without Official Leave).
Ang iba pa ay sina Henry Manintes, Hussien Pada, Dimala Mohammad, Montasir Antal Tabalao, Johnrey Dimalo, Jonathan Marcos.
Isang sundalo rin ang nasugatan matapos na muli na namang maglunsad ng panibagong pag-atake ang mga miyembro ng MILF sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Rico ang sugatan na si Army Staff Sgt. Josefino Santillar na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Ayon kay Rico, dakong alas-9:20 ng gabi nang paulanan ng bala ng 40 rebelde ang Pagatin II Detachment ng tropa ng gobyerno sa Brgy. Pagatin sa Datu Saudi Ampatuan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending

















