BATANGAS – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 39-anyos na Navy intelligence officer ng ‘di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Sitio Carandang, Barangay Poblacion sa bayan ng Rosario, Batangas noong Lunes ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang biktimang si Staff Sergeant Jovencio Lontoc ng Barangay Pag-Asa, Taysan, Batangas, at kasalukuyang nakadestino sa Navy Intelligence and Security Force ng Philippine Navy sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa police report, namimili ng pagkain sa hayop si Sgt. Lontoc sa Jet Store sa nabanggit na barangay nang lapitan at barilin ng tatlong beses sa dibdib ng nag-iisang gunman bandang alas-4:30 ng hapon.
Isinugod pa ang biktima sa Sto. Rosario Hospital, pero ideneklarang patay ng mga doktor sa emergency room.
Sa salaysay ng mga saksi, naglakad lang ang gunman papalayo sa crime scene na animo’y walang nangyari.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang motibo sa pamamaslang.