Negosyante dedo sa ambus

BULACAN — Tinambangan at napatay ang isang negosyanteng Australyano ng dalawang ‘di-pa nakilalang kalalakihan sa naganap na panibagong karahasan sa Friendship Highway sa Barangay Anonas, Angeles City, Pampanga kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Ivan Brown, 65, Pangulo ng Outback Fivestar Philippines, Incorp. Base sa ulat ni P/Chief Insp. Rene Aspe, tina­tahak ng biktima ang kahabaan ng highway lulan ng kanyang Toyota Prado (RCW885) nang harangin at rat­ratin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. Sinisilip ng pulisya ang anggulong alitan sa negosyo ang isa sa motibo ng krimen. (Dino Balabo)

Mag-utol nalibing sa landslide

RIZAL  – Napaaga ang karit ni kamatayan sa mag-utol na lalaki makaraang matabunan ang kanilang bahay ng gumuhong lupa sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kamakalawa ng gabi sa Lower Pulang Lupa sa Barangay Sto. Niño, San Mateo, Rizal. Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Jerico Collado, 6, at Juanito Collado Jr., 3, habang nakaligtas naman ang isa pa nilang kapatid na si Jessica, 5. Nabatid sa ina ng mga biktima na si Lolita Collado, 46, kasalukuyang nag­hahanda na silang matulog nang nakarinig ng mala­kas na dagundong at ang su­munod ay ang pagguho ng putik sa kanilang bahay. Na­ngako naman ang opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Mateo na sasagutin nila ang pagpapalibing sa mag-utol. (Edwin Balasa)

Sanggol ibinenta

Dahil sa pagbebenta ng pitong buwang gulang na sanggol na anak na babae, inaresto ng pulisya ang mag­ka-live-in partner sa Tuguegarao City, Cagayan kamakalawa. Kinilala ang magka-live-in na sina  Lito Gat­tuk, 37 at Romelia Attabay, 18. Sa ulat na  naka­ra­ting sa Camp Crame, ang dalawa ay ipinaaresto ng De­partment of Social Welfare Development ma­ tapos na mapatu­nayang ibinenta ang kanilang anak sa halagang P3,000 sa isang alyas Arnel Narag dahil sa matinding kahirapan. Ikinatwiran naman ni Narag na nagawa lamang niyang bilhin ang sanggol dahil sa awa sa magka-live-in. Hindi naman itinanggi ng dalawa na ang bentahan dahil sa kahirapan sa pa­mumuhay. Kasalukuyang nasa custody ng DSWD ang sanggol. (Joy Cantos)

Show comments