BALANGA CITY, Bataan – Malamang na malaking sindikato umano ang nasa likod ng nakawan ng loan sa loob ng tanggapan ng Government Service Insurance System GSIS makaraang mabiktima ang tatlong kawani at makuhanan ng mahigit P300,000 na hindi nila namamalayan sa lunsod na ito.
Nabigla na lamang si Helen Escudero, 31 anyos, private secretary ni Bataan Governor Enrique Garcia Jr., nang bisitahin niya ang kanyang GSIS e-card at nakita niya na siya ay nagkaroon ng P119,581.37 salary loan.
Ayon kay Escudero wala siyang matandaan na siya ay mayroong application loan sa GSIS. Ang tanging alam niya lamang ay ang kanyang cash advance na P7,915.06 na kinakaltasan siya ng P300.00 kada buwan.
Ayon pa kay Antonio Samaniego, hepe ng human resources management office, hindi lang si Escudero ang nabiktima.
Pati sina Melanie Medina, computer operator sa kapitolyo at isa pa na hindi pinangalanan na natangayan din ng ma higit P100,000.
Hiniling ni Samaniego kay GSIS Asst. Manager Luisito Manuel na sana ay mabigyan sila ng sipi ng loan balances ng lahat mga kawani na may loan sa kanilang tanggapan.
Samantala, ipinaliwanag naman nina Arlen Villanueva, Administrative Services Officer sa Bataan-Zambales GSIS at Dennis Javier, Staff Officer-lll Claim and Loan Officer. Na sa katunayan ay nag-apply si Escudero para makapangutang noong Sept. 18, 2006 at Sept. 19 taon ding iyon ay naaprobahan ng GSIS ang kanyang In-Hand Loan na halagang P106,400. (Jonie Capalaran)