3 holdaper bulagta sa shootout
Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang mga holdaper ang iniulat na napatay makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa tangkang panghoholdap sa isang gasolinahan sa Iloilo City, Iloilo kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga napatay na sinasabing mga miyembro ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ay sina Samuel Cioco, Gerald Emaas, kapwa naninirahan sa Brgy. Balod, Aroroy, Masbate at si Hino Balacutan ng Cagay, Roxas City.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Ranulfo Demiar, regional police spokesman, nakasagupa ng tatlo ang mga operatiba ng Regional Intelligence Unit ng PRO 6 sa pamumuno ni Supt. Samuel Nacion matapos na huminto sa gasolinahang Shell sa Jalandoni-Delgado Street para magpa-gas nang paputukan ng mga armadong kalalakihan.
Bunga nito, ay gumanti ng putok ang mga awtoridad na nauwi sa pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig hanggang sa duguang bumulagta ang tatlong naka-bonnet.
Pinaniniwalaan namang plano ng tatlo na holdapin ang gasolinahan nang magkataong maparaan ang mga pulis sa lugar na hinagisan pa ng granada subalit hindi pumutok dahil nakalimutang tanggalan ng safety pin.
Narekober mula sa tatlo ang isang cal. 38 revolver, isang cal. 380 pistol at M 26 A1 fragmentation grenade.
May teorya ang pulisya na ang tatlo ay responsable sa panghoholdap sa mga gasolinahan at iba pang establisyemento sa nabanggit na lungsod. Joy Cantos
- Latest
- Trending