CAVITE – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang dalawang opisyal ng barangay na tumutulong sa proyektong pangkalinisan ng lokal na pamahalaan makaraang ratratin ng mga ‘di-pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa panibagong karahasang naganap kamakalawa sa Barangay Dulong Bayan sa General Trias, Cavite. Kinilala ni P/Supt. Gregorio Evangelista, ang mga biktima na sina Brgy. Chairman Belcesar Arnecillo, 54; at Kagawad Leon Baczaz, 47, kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay. Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Cristina Timbang
Resort owner kinidnap
KIDAPAWAN CITY – Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang Filipino-Hispanic resort owner sa Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabungsuan noong Lunes ng umaga. Kinilala ang biktima na si Perfecto “Boyeh” Martinez, may-ari ng El Bimbo Resort sa Linek Beach sa Datu Odin Sinsuat may ilang kilometro ang layo sa Cotabato City. Sa phone interview, sinabi ni P/Supt. Esmael Pua Ali, provincial police director, hinarang ang sasakyan ng biktima sa bisinidad ng nabanggit na barangay. Ilang oras naman matapos na makidnap ang biktima ay narekober ang sasakyan nito sa Barangay Interior, Datu Odin Sinsuat na siyang ginamit na getaway vehicle ng mga kidnaper. Naganap ang pagdukot kay Martinez, halos dalawang linggo makaraang dukutin ang doktorang si Milagrosa Yap sa Cotabato City. Pero dahil sa maagap na pagresponde ng mga pulis, nabigo ang mga kidnapper na makuha si Yap. Sa tala ng pulisya, ang nabangggit na lugar ay kilalang balwarte ng Pentagon kidnap-for-ransom gang na may ugnayan sa mga rebeldeng Muslim. Malu Manar at Joy Cantos