Obrero todas sa aksidente
MARIVELES, Bataan – Minalas ang isang factory worker nang mabagok ang kanyang ulo sa semento makaraang tumalon mula sa isang jeep na sumalpok sa isang konkretong bakod sa likurang bahagi ng isang paaralan sa kahabaan ng National Road, Barangay Malay, Mariveles, Bataan kamakalawa ng umaga.
Namatay noon din ang biktimang Josephine Constantino, 41-anyos, may-asawa, factory worker sa Bataan Economic Zone. Nagtamo naman ng mga galos at pasa sa katawan ang iba pang pasahero ng dyipni.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na, dakong alas- 6:00 ng umaga, tumigil sa naturang lugar ang dyipni na minamaneho ni Virgilio Bercasio para magsakay ng pasahero.
Habang nakatigil ang nasabing jeep, biglang gumulong pababa ang sasakyan at nang tapakan ng driver ang foot break nito ay hindi ito kumagat dahilan para tuluy-tuloy nitong tumbukin ang konkretong bakod.
Sa takot, tumalon si Constantino mula sa sasakyan na siya niyang ikinamatay. (Jonie Capalaran)
- Latest
- Trending