Beautician kinatay sa parlor
BATANGAS – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang bading na beautician makaraang tadtarin ng saksak sa loob ng kanyang beauty parlor sa Barangay 5, Lipa City sa Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Francisco Rodriguez, hepe ng Lipa PNP, ang biktimang si Riseldo Mayo, 37, beautician ng Reflection Salon at naninirahan sa Barangay Anilao. Ayon sa police report, bandang alas-6 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang utol na si Grace Reyes. Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations, ang biktima ay nagtamo ng maraming saksak ng kutsilyo sa leeg at sa ibat-ibang bahagi ng kanyang hubad na katawan. Sinisilip ng mga imbestigador kung may kinalaman ang boyfriend ng biktima o mga pick-up boys na naka istambay sa parlor sa pamamaslang. Nawawala rin ang malaking halaga at ang cellular phone ng biktima. Arnell Ozaeta
CAMP CRAME – Dahil sa pagtangging magbigay ng revolutionary tax, isang pampasaherong jeepney ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa highway nasakop ng Barangay San Jose sa Toboso, Negros Occidental kahapon. Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga kung saan hinarang ang sasakyang pag-aari ni Ely Biñas na patungong Escalante City. Wala naman nagawa ang drayber na si Ben Piscaliya kundi ang bumaba maging ang kanyang mga pasahero habang nakatutok ang mga baril ng NPA saka isinagawa ang panununog. Joy Cantos
CAVITE – Siyam-katao na pinaniniwalaang may ugnayan sa mga rebeldeng New People’s Army ang naaresto ng pulisya sa itinayong checkpoint sa Barangay Tartaria, Silang, Cavite kahapon ng madaling-araw. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, kabilang sa mga suspek na sumasailalim sa tactical interrogation sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus ay sina Jommel Agana, Mario Oson, Renato Alvarez Baybay, Franco Remeroso, Yolanda Carang, Leslie Crisino Cresencia, Janice Javier, Bernardo Gonsalez, at Phillipin Sua. Base sa ulat, ang mga suspek ay sakay ng kulay dilaw na Isuzu van nang masabat ng pulisya bandang alas-3:30 ng madaling-araw. Nasamsam sa mga suspek ang tatlong baril at iba’t ibang uri ng pampasabog. Cristina Timbang
- Latest
- Trending