Tatlong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front renegades ang napaslang habang apat pa ang nasugatan matapos salakayin ng mga rebelde ang dalawang kampo ng militar na tinangka ng mga itong kubkubin sa Maguindanao nitong Biyernes ng gabi.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni 6th Infantry Division Spokesman Col. Julieto Ando ng Philippine Army na, bandang alas–7:30 ng gabi nang lumusob ang grupo ni 105th Base Commander Ameril Umbra Kato sa himpilan ng Army’s 6th Infantry Battalion na nakabase sa Brgy. Salvo, Datu Saudi Ampatuan ng lalawigan.
Si Kato, may patong sa ulong P5 milyon, ang siyang nasa likod ng puwersahang pananakop sa 15 barangay sa pitong bayan ng North Cotabato noong unang bahagi ng buwang kasalukuyan.
Ayon kay Ando, agad pinaulanan ng B 40 anti-tank rockets at automatic na mga malalakas na kalibre ng armas ng grupo ng MILF renegades ang nasabing kampo na tinangka ng mga itong kubkubin.
Taliwas sa inaasahan ng MILF renegades ay nakahanda ang puwersa ng mga sundalo kung saan nakipagpalitan ang mga ito ng putok sa mga kalaban.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok ay tatlo sa mga rebelde ang napaslang habang apat pa sa mga ito ang nasugatan.
Base sa intelligence report, tatlong bangkay ng MILF renegades ang nakita ng mga residente na hila-hila ng mga nagsisitakas ng mga itong kasamahan kung saan kinilala ang dalawa sa mga ito ng mga residente sa alyas na Taif at Samsudin.
Isinunod namang salakayin ng mga rebelde ang himpilan ng 46th IB ng Army sa Barangay Bagat, Guindolongan, Maguindanao.
Ang mga sundalong nagbabantay sa nasabing kampo ay nakipagpalitan ng putok sa umaatakeng mga kalaban hanggang sa tuluyan ang mga itong maitaboy.
Samantalang, tinangka rin umano ng naturang mga renegades na manunog ng mga kabahayan sa sinalakay ng mga itong mga lugar matapos na marekober ng tumugis sa grupo ni Kato ang mga plastic containers na may lamang mga gas.