Nailigtas sa tiyak na kapahamakan mula sa grupong Pentagon kidnap-for-ransom na may ugnayan sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang isang doktora sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng PNP at AFP noong Biyernes sa Cotabato City.
Kinilala ni P/Chief Supt. Felizardo Serapio, director ng PRO12, ang nasagip na biktima na si Dr. Milagros Yap, Obstetrician Gynecologist sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC).
Sa ulat ni Sarapio na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-10 ng gabi nang dukutin si Dra. Yap habang pasakay sa kulay abong Pajero (IME- 956) sa harapan ng CRMC.
Kaagad naman naipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang insidente ng ilang bystander na nakasaksi sa pangyayari.
Sa follow-up operation ng pinagsanib na operatiba ng Task Force Tugis ng Philippine Army at ng Cotabato City PNP namataan ang sasakyan ng mga kidnaper sa bisinidad sa Barangay Poblacion 3 sa Cotabato City.
“A short firefight ensued resulting in the rescue of the kidnap victim and killing of one of the suspects,” pahayag ni Serapio kung saan inaalam pa ang pangalan ng nasawing kidnaper na inabandona ng mga nagsitakas nitong kasamahan.
Nagtamo naman ng bahagyang sugat sa ulo ang biktima matapos na sumalpok ang sasakyang kinomander ng mga kidnaper sa panulukan ng Don Ceasar Ext. at Anacleto Badoy St. sa Poblacion 3.