Pinaniniwalaang kahirapan at depresyon sa buhay kaya sinilaban ng isang 84-anyos na lola ang sariling katawan kung saan nadamay na nasunog ang kanyang bahay sa bayan ng Hinigaran, Negros Occidental kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang biktimang biyuda na si Flora Espino na nag-iisang naninirahan sa liblib na bahagi ng Sitio Calverio sa Barangay Pilar, Hinigaran.
Sa report ng Negros Occidental Provincial Police Office na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas 12:15 ng madaling-araw kung saan ang biktima mismo ang sumunog sa kanyang bahay.
Lumitaw sa imbestigasyon na inipon ng matanda ang kanyang mga kagamitan sa loob ng bahay saka tinambakan ng mga damit ang sarili upang makasamang lamunin ng apoy.
Napag-alamang nanghihingi lamang ng makakain na halos magpalimos na ang matanda sa kaniyang mga kapitbahay.
May teorya rin ang pulisya at tinitingnan na matinding depresyon ng matanda matapos paslangin ang anak nito ng mga di-pa kilalang kalalakihan.