Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 14-anyos na babaeng estudyante kung saan ginahasa muna saka binasag ang bao ng ulo ng isang lalaki na pinaniniwalaang lango sa droga sa bisinidad ng Barangay Bogabongan sa bayan ng Leon Postigo, Zamboanga del Norte, ayon sa ulat kahapon.
Sa naantalang ulat ng Zamboanga del Norte Provincial Police Office, ang biktima na itinago sa pangalang Gretchen ay natagpuang walang saplot matapos abandonahin ang bangkay nito malapit sa sapa sa nabanggit na barangay dakong alas-5 ng umaga may dalawang araw na ang nakalipas.
Sa follow-up operations ng pulisya, arestado naman ang suspek na si Ryan Yanes, 21, ng Brgy. Hinaplon, Iligan City matapos ituro ng ilang testigo na siyang huling namataang kasama ng biktima patungo sa lugar kung saan ito hinalay.
Bago ang krimen, nagpaalam ang biktima sa kaniyang kapatid na lalaki na mamumulot ng scrap materials na kaniyang ibebenta para may pambili ng kagamitan sa eskuwelahan.
Ang hubo’t hubad na bangkay ng biktima ay natag puang tadtad ng mga pasa at sugat sa katawan maliban pa sa pukpok sa ulo nito.
Sa isinagawang ocular investigation, narekober ng pulisya ang isang malaking tipak ng bato na posibleng ipinukpok ng suspek sa ulo ng biktima.