Isang 40 anyos na ama at anak nito ang nasawi habang isa pa ang grabeng nasugatan matapos na pagbabarilin ng limang armadong kalalakihan na pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army sa Gutalac, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, nakilala ang mga namatay na sina Francisco Casipong, at anak nito na si Jason, 16 anyos.
Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang sugatang si Rodelio Sabanal, 32 anyos, may-asawa.
Base sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril dakong alas-9:00 ng umaga sa Barangay Pitogo sa Gutalac.
Kinontrata ng pamilya Casipong si Sabanal at ang helper nito na si Danilo Mangubat para putulin ang mga puno ng Gemelina sa nasabing barangay.
Bigla namang sumulpot ang limang salarin at pinatigil ang dalawa sa pagpuputol ng mga puno na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Bunsod nito, pinagbabaril ng mga salarin ang mga biktima saka mabilis na nagsitakas. (Joy Cantos)