BAGUIO CITY – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang opisyal mula sa Baguio City Engineering Office (CEO) makaraang madakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa isinagawang entrapment operation kahapon ng umaga sa City Camp Lagoon sa nabanggit na lungsod.
Pormal na kinasuhan sa prosecutors office ang mga suspek na sina Assistant City Engineer Elpidio Garabiles, 56; at Eng. II Richard Lardizabal.
Si Engr. Garabiles ay nasamsaman ng P10,000 mark money na nakalagay sa kanyang drawer na ibinigay naman ni Engr. II Lardizabal mula sa kon tratistang si Rudy Enchague.
Ang dalawa ay magkasunod na inaresto nina Special Investigator Edwin Fianza at Abner Dotimas.
“We have given them at least P80,000.00, and our project is only worth P2.4M,” pahayag ni Echague.
“At ang pinakahuli ngang dini-demand ni Larzidabal ay P10,000 para raw sa Bicol trip ni City Engr. Leo Bernardez matapos kung kolektahin ang 10 percent retention mula sa P200,000.00,” dagdag pa ni Echague.
Inakusahan naman ng dalawa na may depekto ang proyekto ni Echague base na rin sa pagsusuri ng Commission on Audit kaya nagbigay ng malaking halaga para magawan ng paraan at pinabulaanang nangotong sila.
Mariin naman sinabi ni City Engineer Bernardez na wala siyang alam sa illegal activities sa kanyang opisina.
Hinihintay naman ni Baguio City Mayor Reinaldo Bautista Jr. ang opisyal na ulat sa pagkakaaresto sa dalawa bago magbigay ng komento. Artemio A. Dumlao