Bangka lumubog: Pulis utas, 2 mayor nailigtas

Nalunod ang isang pulis habang nailigtas naman ang dalawang alkalde ng Tawi-Tawi at dalawang iba pang pulis makaraang lumubog ang bangkang sinasakyan noong Lunes habang naglalayag sa karagatang sakop ng Ba­rangay Pahut sa bayan ng Bongao ng lalawigan.

Na­isugod pa sa Datu Ha­lun Sakilan Memorial Hospital si SPO1 Sadjan Jal Pala­huddin subalit idineklarang patay habang nasagip naman sina Mayor Kuhyuh Pajiji ng Si­butu, Tawi-Tawi;  Mayor Hadji Serbin Ahaja ng Sitang­kai; PO2 Espin Gulam at PO1 Zansibar Muallila.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Joel Goltiao, police director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na isi­numite sa Camp Crame, lulan ng motorboat na 40 HP engine ang mga biktima patungo sa Bongao, Tawi-Tawi nang balyahin ng malalaking alon hanggang sa lumubog ito. 

Matapos ang 30 oras na pagpapalutang-lutang sa karagatan ay nasagip ng bangkang pangisda ang mga biktima.

Nawala naman ang mga personal na kagamitan ng mga biktima kabilang na ang tatlong M16 Armalite rifle na inisyu  kina Palahuddin, Gu­lam at Muallila. Joy Cantos

Show comments