Dahilan lamang sa aso, napaslang ang dalawang sibilyan ng nagpakilalang sundalo ng Phil. Army sa naganap na pamamaril sa bisinidad ng Barangay Santiago 2 sa bayan ng San Pablo City, Laguna kamakalawa.
Idineklarang patay sa San Pablo City Medical Center sina Arnel Flores, 18, US immigrant at Jearge Llave de Luna na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.
Si Flores ay tinamaan ng bala sa noo na naglagos sa kanang teynga habang si Luna ay may tatlong tama ng bala sa kaliwang balikat na tumagos naman sa kanang bahagi ng katawan.
Ang suspect na ‘di-pa nakuha ang ranggo ay tinukoy lamang sa pangalang Sherwin Malate na nagpakilalang miyembro ng 202nd Infantry Brigade sa ilalim ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army.
Sa report ng Laguna Provincial Police Office (PPO) na isinumite sa Camp Crame, kasalukuyang nagmomotorsiklo ang suspek sa kahabaan ng kalsada ng Brgy Santiago 1 nang habulin ito ng asong askal na pag-aari ni Flores hanggang Brgy. Santiago 2.
Bunga nito ay muntik nang makagat ng aso ang suspek kung saan napilitan itong huminto sa gasolinahan at tinanong ang attendant kung sino ang may-ari ng mabangis na aso.
Kinompronta ng suspek si Flores dahil sa nakakaperwisyo ang asong askal na alaga nito subali’t dito’y lumapit naman si de Luna at sinapak si Malate sa mukha bunsod upang bumagsak ito sa lupa.
Matapos na bumangon sa pagkakatumba ay nagalit ang suspek at pinagbabaril ang dalawa.
Kasalukuyang nakikipagkoordinasyon ang pulisya sa himpilan ng Army’s 202nd Brigade para isuko ang suspek. Joy Cantos