Ret. US Marines, anak kinidnap

CAVITE – Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang retiradong US Marines at anak nitong ba­bae sa loob ng kanilang ba­hay sa bahagi ng Kaybagal South sa Tagaytay City, Cavite noong Linggo ng gabi, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ng pulisya ang mag-amang biktima na sina Ver Loyola, dating sun­dalo ng United States Marines at anak nitong si Cristina Loyola.

Sa phone interview, si­nabi ni Police Regional Office 4-A spokesperson P/Senior Inspector Pamela Helaga, ginamit ng mga kid­naper ang sasakyan ng pamilya Loyola  ang kulay puting Toyota Corolla Sedan (TTV-759) bilang getaway vehicle matapos na kaladkarin at puwersa­ hang tangayin ang mag-ama bandang alas-8 ng gabi.

Gayon pa man, pina­laya ang matandang Lo­yola matapos ang 3-oras sa bahagi ng Brgy. Pangil sa bayan ng Amadeo, Ca­vite subali’t nananatiling bihag ang anak kung saan ay humihingi ng P3 milyon ransom.

Tumanggi na si Helaga na magbigay pa ng ibang detalye matapos na itake-over ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) mula sa Camp Crame ang nasabing kaso ng kidnapping. 

Ayon sa hepe ng Pacer na P/Senior Supt. Leo­nardo Espina, kasaluku­yan pa silang nagsasa­gawa ng follow-up operations at sinisikap nilang makipag-ugnayan sa pa­milya ng bik­tima na tu­manggi na­mang makipag­koordinasyon sa kanilang mga operatiba.

“The family is not cooperating, but this is normal for the family of a victim as they are thinking of the safety of their kin,” pahayag pa ni Espina. Aminado na­man si Espina na nahihi­rapan sila sa imbesti­gas­yon sa kaso dahil ayaw makipagtulungan ng pa­milya Loyola.

Show comments