Ret. US Marines, anak kinidnap
CAVITE – Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang retiradong US Marines at anak nitong babae sa loob ng kanilang bahay sa bahagi ng Kaybagal South sa Tagaytay City, Cavite noong Linggo ng gabi, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ng pulisya ang mag-amang biktima na sina Ver Loyola, dating sundalo ng United States Marines at anak nitong si Cristina Loyola.
Sa phone interview, sinabi ni Police Regional Office 4-A spokesperson P/Senior Inspector Pamela Helaga, ginamit ng mga kidnaper ang sasakyan ng pamilya Loyola ang kulay puting Toyota Corolla Sedan (TTV-759) bilang getaway vehicle matapos na kaladkarin at puwersa hang tangayin ang mag-ama bandang alas-8 ng gabi.
Gayon pa man, pinalaya ang matandang Loyola matapos ang 3-oras sa bahagi ng Brgy. Pangil sa bayan ng Amadeo, Cavite subali’t nananatiling bihag ang anak kung saan ay humihingi ng P3 milyon ransom.
Tumanggi na si Helaga na magbigay pa ng ibang detalye matapos na itake-over ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) mula sa Camp Crame ang nasabing kaso ng kidnapping.
Ayon sa hepe ng Pacer na P/Senior Supt. Leonardo Espina, kasalukuyan pa silang nagsasagawa ng follow-up operations at sinisikap nilang makipag-ugnayan sa pamilya ng biktima na tumanggi namang makipagkoordinasyon sa kanilang mga operatiba.
“The family is not cooperating, but this is normal for the family of a victim as they are thinking of the safety of their kin,” pahayag pa ni Espina. Aminado naman si Espina na nahihirapan sila sa imbestigasyon sa kaso dahil ayaw makipagtulungan ng pamilya Loyola.
- Latest
- Trending