Truck ban sa mga lalawigan ilulunsad
Nakatakdang ipatupad ang nationwide synchronized truck ban sa buong kapuluan upang mabawasan ang lumalalang bilang ng sakuna at pagpapaluwag ng trapik sa mga kalsada.
Base sa inilabas na memorandum circular ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga gobernador na isagawa ang truck ban hours bago sumapit ang Setyembre 15 matapos makipagkonsultasyon sa mga truck companies.
Hindi naman kabilang sa truck ban ang mga sasakyan na magde-deliver ng anumang pagkain, mga pang-export, mga trak ng basura, bumbero, militar, ambulansya at trak ng pamahalaan na nagbibiyahe ng mga materyales para sa proyekto ng gobyerno.
Pinaalalahanan din ni Sec. Ronnie Puno ang mga gobernador na ipatupad ang probisyon ng Republic Act 8794 o Anti-Overloading Law.
Inatasan rin nito ang lahat ng DILG regional director na isumite ang kanilang status report sa pagtupad ng lahat ng gobernador sa truck ban circular bago sumapit ang Oktubre 3.
Ang truck ban at alinsunod sa Section 5 ng Executive Order # 712 ni Pangulong Arroyo kung saan nakasaad: “the Department shall subject to existing law, establish, and implement uniform truck ban hours that shall be applicable to local government units (LGUs) located in a common area nationwide.” (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending