No smoking!
Ito ang mariing ipinag-utos ni Major Gen. Samuel Narcise, chief ng Light Armor Division na nakabase sa Camp O’ Donnell sa bayan ng Capas, Tarlac na naglalayong makaiwas sa polusyon at mapangalagaan ang kalusugan ng mga sundalo.
Para naman sa mga hindi talaga maawat sa bisyong paninigarilyo, kailangang lumabas ng kampo habang ang mga bumibisita naman bago pa man pumasok sa gate ay pinaaalalahanan na ng mga military police hinggil sa patakaran.
Kasabay naman sa pagpapatupad ng no smoking sa loob ng kampo, ipinatutupad din ng Light Armor Division ang Car-Less Days tuwing araw ng Martes at Huwebes alinsunod sa direktibang ipinalabas ni Army Chief Lt Gen Victor S. Ibrado.
Sa ilalim ng car less days ay magbibisikleta, maglalakad o magjo-jogging na lamang ang mga heneral at kanilang mga tauhan bilang tugon sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at smoke free na kapaligiran na isa ring alternatibong transportasyon at ehersisyo para sa mga kasundaluhan.
Sa tuwing sasapit ang car less days ay may nakatalagang lugar lamang sa loob ng kampo na magsisilbing garahe ng mga personal na sasakyan ng bawat sundalo.
“Ang Philippine Army ay lubos na nakikiisa sa buong sambayanan Pilipino upang maibsan ang krisis na kinahaharap ng bansa. Gayundin, isa ito sa mga hakbang upang mapagbuti ang kalusugan ng ating kasundaluhan,” ayon sa opisyal. Joy Cantos