Nakatutulig na pagsabog ng landmine ang sumalubong sa pagbisita kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa bayan ng Placer, Masbate.
Bandang alas-3 ng madaling-araw nang yanigin ng pagsabog ang bahagi ng Barangay Ban-ao sa nabanggit na bayan kung saan ilang oras bago ang pagdating ng Pangulo sa lalawigan.
“It’s an improvised bomb planted in isolated place, there’s no damage,” pahayag ni Army’s 9th Infantry Division (ID) chief Major Gen. Jeffrey Sodusta na sinabi ring wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Hindi naman nasisilip ang anggulong pigilin ang pagbisita ni Pangulong Arroyo sa Masbate, bagkus manakot lamang.
Bunga ng insidente ay lalong hinigpitan ng pulisya, militar at ng Presidential Security Guard (PSG) ang seguridad sa bayan ng Placer bago ang pagdating ng Pangulo.
Nabatid na si Pangulong Arroyo ay nagsagawa ng National Disaster Cabinet meeting sa bayan ng Placer kung saan dadalo ang iba’t ibang lokal na opisyal ng pamahalaan.
Ang bayan ng Placer ay isa sa mga balwarteng lugar ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nabanggit na lalawigan.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang naganap na pagsabog.