SAN RAFAEL, Bulacan – Tinambangan at napatay ng mga armadong kalalakihan ang isang pulis ng Provincial Inteligence and Investigation Branch sa kahabaan ng Daang Maharlika sa Barangay San Roque, Candaba, Pampanga kahapon.
Napuruhan sa katawan ang biktimang si SPO1 Jelmar Alba, 38, ng Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan.
Si Alba ay ikalawang pulis na napatay sa ambush sa loob ng dalawang taon matapos mapatay si PO2 Roberto Dela Cruz sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan noong 2006.
“Wala akong alam na kaaway ng asawa ko, tahimik na tao siya,” ani PO1 Delia Alba na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Ildefonso at asawa ng biktima.
Base sa ulat ng pulisya, nagmomotorsiklo ang biktima nang harangin at ratratin ng mga killer na lulan ng Toyota Revo na kulay silver (XRZ-873).
Kaugnay nito, tinamaan naman ng bala ng baril sa hita si P/Chief Inspector Rogelon Francisco habang hinahabol ang mga suspek sa Brgy. Talang sa Candaba Pampanga kahapon.
“Na-monitor namin ‘yung getaway vehicle sa Candaba kaya sinundan ng tropa ni Francisco, kaso, bala ang sumalubong sa kanila, “ pahayag ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, acting Bulacan police director.
Ayon kay Bantolo, natagpuan ng mga pulis ang Toyota Revo na ginamit ng mga suspek at narekober sa loob ng sasakyan ang tatlong malalakas na kalibre ng baril.
Sinabi rin ni Bantolo na malaki ang posibilidad na kabilang sa grupo ng gun-for-hire ang mga suspek na nagsasagawa ng operasyon sa Central Luzon. (Dagdag ulat Boy S. Cruz)