Madugong kamatayan ang sinapit ng apat na rebeldeng New People’s Army (NPA) habang apat naman ang nasugatan kabilang ang dalawang sundalo sa naganap na magkakahiwalay na bakbakan sa CARAGA Region kahapon ng umaga at kamakalawa.
Napag-alamang sumiklab ang sagupaan noong Sabado sa pagitan ng Reconnaissance Company ng Army’s 30th Infantry Battalion laban sa sampung rebelde sa liblib na bahagi ng Barangay Daywan, Claver, Surigao del Norte.
Tumagal ng 45-minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkasugat ni Pfc Buas na ngayon at nasa Miranda Hospital sa Surigao City.
Sa ulat naman ni AFP-Western Mindanao Command Spokesman Major Armand Rico, nakasagupa naman ng 42nd Division Reconnaissance Company ang grupo ng Front Committee 3 sa bisinidad ng Sitio Lamasaya sa Brgy. La Fortuna sa bayan ng Veruela, Agusan del Sur.
Umabot sa 25 minuto ang palitan ng putok hanggang sa mapatay ang apat na rebelde base na rin sa salaysay ng mga residenteng nakasaksi sa sagupaan.
Nabatid na nasugatan sa mukha si Pfc Reynante Sacote habang dalawa rin ang sugatan sa mga rebelde na nakita ng tropa ng militar na binitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Patuloy naman ang operasyon ng tropa ng militar laban sa nagsitakas na mga rebelde. Joy Cantos