CAVITE – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang magkaibigang lalaki habang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mag-amok ang pamangkin ng pinaglalamayan sa Barangay Paliparan 3, Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Kabilang sa napatay ay sina Jhony Sabandeja, 32 at Erwin Tungol, 29; habang ginagamot naman sa ospital si Danny Pamin, 31. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Toto Espinosa. May teorya ni SPO1 Valero Bueno, na inakala ng suspek na may pananagutan ang dalawa sa pagpatay sa kanyang tiyuhing si Jeffrey Espinosa. Cristina Timbang
Magkaibigan dinedo ng NPA
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa magkaibigang lalaki makaraaang dukutin at pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army sa Sitio Bituon, Barangay Royroy sa bayan ng Batuan, Masbate kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Junrey Pagaspas, Cafgu trainee at Rene Illabanes. Ang mga biktima ay kapwa iginapos at kinaladkad palabas ng kanilang bahay patungo sa masukal na bahagi ng Barangay Royroy. Pinaniniwalaang nagalit ang mga rebelde sa isinasagawang pagsasanay ni Pagaspas para maging lehitimong kasapi ng Cafgu sa kanilang lugar kaya idinamay na rin ang kanyang kaibigan. Ed Casulla
Dalaga ni-rape slay
TALAVERA, Nueva Ecija – Isang bakasyunistang dalaga ang iniulat na ni-rape slay ng traysiker drayber sa liblib na bahagi ng Barangay Esguerra District ng bayan ng Talavera, Nueva Ecija, noong Miyerkules (Hulyo 2). Sa ulat na isinumite kay P/Supt. Arnel Santiago, natagpuan ang katawan ni Marklyn Montalban y Sambrano na walang saplot at may malalim na sugat sa ulo na pinaniniwalaang pinalo ng matigas sa bagay. Sa follow-up operation ng pulisya, pormal naman kinasuhan matapos masakote ang suspek na si Christian Podadera y Mercado na ka-textmate ng biktima. Base sa police report, ang biktimang tubong Cauayan, Isabela ay isinakay sa trike ng suspek matapos na mamataang nakatayo sa harapan ng kanilang bahay. Christian Ryan Sta. Ana
2 dedo sa road mishap
OLONGAPO CITY – Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang siyam na iba pa ang grabeng nasugatan makaraang magsalpukan ang tatlong sasakyan sa kurbadang kalsada na sakop ng Olongapo City kamakalawa ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Abelardo Villacorta, ang dalawa na sina Erick Diaz ng Lower Kalaklan at Winnie Santua, 22, ng Barangay Sta. Rita. Ginagamot naman sa James Gordon Memorial Hospital sina Sheena Karen Montilla Garcia, Ronnel DC Bondoc, Josephine Fernandez, Nerissa Lagos, Rodel Cruz, Charlene Tapnio, Expedito Teroy, Arvie Manares, at si Maty Liza Figueroa, pawang mga residente ng Old Cabalan, Olongapo City. Sa ulat ni PO3 Rene Pundaveta, sumalpok ang Honda Civic (TJK 346) ni Diaz kasama si Santua sa pampasaherong dyipni (CEJ898) ni Manalansan bago sumalpok sa isa pang sasakyan. Alex Galang