Limang rebeldeng New People’s Army ang iniulat na napaslang sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad matapos na salakayin ng mga ito ang dalawang istasyon ng pulisya sa Siargao Island sa Surigao de Norte, kahapon.
Pansamantalang bineberipika ang pagkikilanlan ng mga napatay na rebelde.
Ayon kay Maj. Armand Rico, spokesperson ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom), isinagawa ang operasyon matapos salakayin ng mga rebelde ang himpilan ng pulisya sa Dapa at General Luna.
Isa sa mga pulis sa himpilan ng General Luna na si PO1 William Montilla Dayday ang malubhang nasugatan sa pagsalakay ng mga rebelde lulan ng pumpboat kamakalawa ng gabi.
Tinangay ng mga rebelde ang limang baril at communication equipment sa nabanggit na presinto bago nagsitakas.
Sa Dapa PNP station, tinangay ng mga rebelde ang pitong baril bago nila niransak ang fire station, water district, Bureau of Internal Revenue, Phil health, Social Security System at court rooms. (Danilo Garcia)