QUEZON – Nalambat ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang tatlong kumander ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang operasyon sa Barangay San Isidro sa bayan ng Atimonan, Quezon kamakalawa ng umaga.
Sa ulat ni AFP-Southern Luzon Command chief Major Gen. Delfin Bangit, kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation sina Gemma Carag, alyas Morgan/Binay/Juana/ Ading/ Puring/ Lilay, secretary ng NPA Guerilla Front 42; Noel Santos, alyas Allen/Medel na secretary ng KomProb-Quezon; at si Cecilia Mondia, alyas Brenda/Catherine/Vince, organizer ng Guerilla Front 42.
Si Santos ay may warrant of arrest sa kasong rebelyon na inisyu ni Judge Virgilio Alfajor ng Lucena City Regional Trial Court Branch 59, samantalang si Carag naman ay may warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ng Calauag Regional Trial Court Branch 63 at si Mondia ay may warrant of arrest sa kasong murder na ipinalabas ng Gumaca RTC Branch 61.
Narekober sa tatlong rebelde ang isang .45 caliber pistol, 3 laptop computers, printer, projector, 35 piraso ng CD, 3 flash discs, external DVD writers, 5 celfone, P26,000 at mga subersibong dokumento.