RIZAL – Matapos ang dalawang araw na search and rescue operation, natagpuan na kahapon ang anim na bangkay mula sa tumaob na bangka sa ilog ng San Mateo, Rizal sa kasagsagan ng bagyong “Frank” noong Linggo ng hapon. Kinilala ang mga narekober na bangkay nina Elma Bagasbas, 19; Luningning Faviola, 25; Jun Bernardo, 30; Roberto Galion, 35; at isang alyas Tammy, bangkero. Ayon sa San Mateo rescue team, unang nakuha ang isa pang nawawala na si Cherry Canales kamakalawa sa ilalim ng Batasan Bridge na kumukunekta sa Quezon City at San Mateo, Rizal. Ang mga biktimang nasawi ay kabilang sa 12 pasahero ng bangkang tumaob habang tumatawid sa ilog ng San Mateo sa kasagsagan ng bagyong “Frank” noong Linggo. Edwin Balasa
Galit sa ama, anak kinatay
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pinaslang ang isang 3-anyos na bata habang nasa kritkal naman ang kapatid nito makaraang pagtatagain ng isang magsasaka na nagalit sa ama ng mag-utol sa Barangay Union sa bayan ng Gubat, Sorsogon kamakalawa. Kinilala ang nasawi na si Arnel Dela Cruz, samantala ang nasa Sorsogon Doctor Hospital naman ang sugatang si Allan Dela Cruz, 9. Naaresto naman ang suspek na si Jessie Haloc, 51. Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na nagalit ang suspek sa ama ng mag-utol kaugnay sa pinag-aawayang taniman ng mais kaya napagbalingang katayin ang dalawang bata habang naglalakad sa nabanggit na barangay. Ed Casulla
3 suspek sa holdap tiklo
MALOLOS CITY, Bulacan – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Kabayan Group makaraang masakote ng mga awtoridad sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, acting provincial police director ang mga suspek na sina Paquito Gagal, 32; Oscar “Burdado” Maceda, 28; at Christopher de Leon, 27 na kapangalan ng sikat na artista. Ayon kay Bantolo, ang mga suspek ay responsable sa serye ng holdapan at nakawan sa bayan ng Bocaue, Bulacan. Nasamsam sa mga suspek ang dalawang baril at Granada. Dino Balabo