CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawang batang lalaki ang iniulat na nasawi makaraang makuryente habang nanalasa ang bagyong “Frank” sa Batangas at Quezon mula pa noong Sabado hanggang kahapon.
Kinilala ng Office of the Civil Defense ang mga biktimang sina Aries Tala, 10, grade 4 pupil, ng Barangay Melgar, Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa report, naglalakad sa labas ng bahay si Tala nang aksidente nitong matapakan ang bumagsak na high-tension wire dahil sa lakas ng ihip ng hangin at buhos ng ulan sa nabanggit na barangay.
Namatay din sa pagkakakuryente sa Batangas ang isang 10-anyos na si Nelvic Entino ng Sitio Abilo, Barangay Latag, Nasugbu, Batangas nang mabagsakan naman ito ng high-tension wire mula sa bumagsak na electric post sa kanilang lugar.
Samantala, sa Quezon province, namatay din si Mark Alvarez, 8, matapos mabagsakan ng punong kahoy sa kanilang tirahan sa Barangay Hardinan, bayan ng Gumaca.
Nasugatan naman ang mga kapatid ni Mark na sina Ryan, 10; at Zenith, 7, kasalukuyang ginagamot sa Gumaca District Hospital .
Kasunod nito, napaulat ding nasawi si Wilma Merudio ng Pagbilao Quezon matapos malunod sa tubig-baha at isa pang di pa nakikilalang biktima na namatay naman sa bayan ng Candelaria Quezon dahil sa pagkakakuryente.