Umaabot na sa 12-katao ang iniulat na nasawi habang 12 pa ang nawawala kabilang ang apat na mangingisda sa pananalasa ng bagyong “Frank” (international name: Fengshen) sa mga apektadong lugar sa bansa.
Sa press briefing sa Department of National Defense, kinilala ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Dr. Anthony Golez Jr., ang dalawang nasawi na sina Nanding Pulalon, 56; at ang apo nitong si Bea Pulalon, 8.
Ayon kay Golez, ang maglolo ay nalibing nang buhay matapos na gumuho ang bundok ng basura sa Sitio Canizares, Brgy. Malagapas, Cotabato City.
Sa isang phone interview kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Julieto Ando, sampu katao ang iniulat na namatay habang 8 naman ang nawawala matapos na umapaw ang Risao River sa bayan ng Upi, Maguindanao.
Binaha rin ang mga kalsadang nag-uugnay sa Cotobato at General Santos City habang gumuho naman ang tulay na nagdurugtong sa mga barangay at bayan.
Samantala, dahil sa lakas ng hanging dulot ng bagyo ay maraming puno ang nabuwal kaya nawalan ng kuryente ang central Visayas region.
Aabot sa 23, 105 pamilya (118, 096 katao) ang inilikas dahil unti-unting umaapaw ang lahar sa Albay na nauna ng sinabi ng Pagasa na tatamaan ng bagyong Frank.
Sa ulat ni Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Director Prisco Nilo, tumahak si “Frank” sa Boracay Island sa Malay, Aklan kung saan magdudulot ng malalakas na pag-ulan at pag-ihip ng hangin sa Visayas Region.
Nagbabala rin ang opisyal sa posibleng landslide at flashfloods sa Visayas Region, Surigao del Norte, Peninsula at sa Cotabato.
Nakataas naman ang storm signal no. 3 sa Romblon, Batangas, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Lubang Island, Calamian Group of Islands, Northern Antique, Aklan at Capiz.
Storm signal no. 2 naman sa Bataan, Cavite, Laguna, Rizal, Quezon, Polilio Island, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Masbate, Burias Island, Northern Palawan, Metro Manila, Antique, Iloilo at Guimaras.
Samantalang nakataas ang storm signal no. 1 sa Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Southern Aurora, Sorsogon, Palawan, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, Bohol, Siquijor Island at Leyte.