CAVITE – Nakikipagbuno pa kay kamatayan ang dalawang manggagawa sa construction site makaraang mapagtripang ratratin ng apat na security guard sa Tagaytay City, Cavite kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni P/Supt William Segun, hepe ng pulisya, ang mga biktimang sina Howard Guib, 18 at Dave Palatan, 19, kapwa stay-in worker sa ginagawang malaking mall sa nabanggit na lungsod.
Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Rolando Bernador, Elmer Salayan, Ricky Ubalde, at si Doblen Randis na pawang security guards ng Acres Security Agency na may opisina sa Old Sta. Mesa, Manila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Leo Mendoza, lumilitaw na pabalik na sa site ang mga biktima mula sa maliit na tindahan ng mapagtripan at harangin ng mga suspek.
Napag-alamang kinapkapan ang mga biktima bago hinayaang ma kapasok sa construction site subalit hindi pa nakakalayo ay niratrat na ng mga suspek.
Kahit sugatan ay nagmamakaawa ang dalawa ngunit pinaputukan pa sa sila ng shotgun. Cristina Timbang