Guro ninakawan, kinatay

BACOLOD CITY – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang lalaking guro makaraang tadtarin ang katawan bago itinapon sa tubuhan sa Hacienda Faraon sa Cadiz City, Negros Occidental noong Sabado ng umaga.

Ayon kay P/Chief Ins­pector Jefferson Descallar, Cadiz police chief, kinilala ang biktima na si Antonio Bilbao, 38, teacher sa Himogaan Baybay Elementary School.

Ang biktima ay nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan likha ng matalim na itak. Huling namataang buhay ang biktima na kasama ang anim na kalalakihan sa benefit dance sa Barangay Cabahug.

Kasama rin ng biktima ang anim habang papauwi bandang alas-2 ng madaling-araw subalit pansamantalang hindi muna ibinunyag ang mga pangalan ng anim habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong pag­nana­kaw dahil nawawala ang pitaka at ibang personal na gamit ng biktima. (Toks Lopez)

Show comments