CEBU CITY – Dahil sa tahol ng aso ay nagawang pagbabarilin ng retiradong sundalo ng Phil Air Force ang kanyang bayaw at biyanan na ikinasugat naman ng dalawang iba pa sa Dagohoy Street sa Barangay Apas, Cebu City, Cebu noong Biyernes ng gabi.
Naisugod pa sa ospital subalit idineklarang patay ang mag-amang sina Cristito Pontanar, 72; at anak na si Esmeraldo Pontanar, 41, matapos ratratin ng suspek na si ret. Master Sgt. Nestor Bugarin sa harapan mismo ng kanilang tahanan.
Sugatan ding isinugod ang pamilya ni Esmeraldo na si Maria Glen Pontanar, 40, at kanilang anak na si Paulo, 13.
Ayon kay SPO2 Rey Cuyos ng Cebu City PNP Homicide
Section, nagpalitan ng maiinit na mga salita ang asawa ni Esmeraldo na si Maria Glen at asawa ng suspek na si Anecita (kapatid ni Esmeraldo) dahil sa reklamo ni Maria Glen sa ingay na likha ng aso ng mga Bugarin.
Dahil sa kaguluhan sa labas ng kani-kanilang bahay ay sinubukang awatin ni Esmeraldo ang dalawa subalit minasama ng suspek na may bitbit na .45 kalibreng baril at saka pinagbabaril ang mag-asawa at nadamay din sa pamamaril ang kanilang anak na si Paulo sa tiyan na noon ay nanonood sa pagtatalo ng mga magulang at tiyahin.
Dahil sa putok ng baril ay lumabas na rin ang biyenan ng suspek na si Cristito subalit pati ito ay binaril din at tinamaan sa likod at binti.
Napag-alaman din ng pulisya na matagal ng nag-aaway ang dalawang pamilya dahil sa pag-aagawan ng parking space sa harap ng kani-kanilang tahanan dagdag pa rito ang ‘di na nila pagkakaunawaan matapos na paghatian ang mga pag-aaring lupain ng mga magulang.
Si Bugarin ay mabilis ding tumakas matapos ang krimen. Dagdag Ulat Ni Joy Cantos