CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 31-anyos na misis makaraang pagsasaksakin ng kanyang lover ay nag-suicide naman ang huli sa Sea Oil Lodge sa Maharlika Highway sa bayan ng Polangui, Albay, kamakalawa ng gabi.
Bandang alas-11:30 ng gabi nang ang mga bangkay nina Julio Sevilla, 36, hiwalay sa asawa at residente ng Barangay Sagrada sa bayan ng Libon at Salvacion San Juan, 31, may asawa at residente ng Barangay Bombon sa nabanggit ding bayan.
Ayon sa hepe ng pulisya na si P/Chief Insp. Ferdinand Raymundo, huling namataang buhay ang magkalaguyo na nag-check-in sa nabanggit na lodge dakong alas-11 ng umaga.
Napag-alamang nakarinig ang ilang roomboy ng animo’y nag-aaway na nagmumula sa kuwarto ng dalawa subalit binalewala nito hanggang sa nanahimik.
Dahil sa inabot na ng dilim sa kuwarto ang dalawa at lumampas na sa itinakdang oras ay nagdesisyong katukin ito ng roomboy subalit walang sumasagot.
Napilitang buksan ng roomboy ang kuwarto sa pamamagitan ng duplicate key at lumantad ang duguang katawan ng babaeng nakahiga sa kama habang ang lalaki naman ay nakabitin.
May teorya ang pulisya na ibig makipaghiwalay ng isa sa dalawa kaya nauwi sa matinding komprontasyon hanggang sa maganap ang krimen.