BAGUIO CITY – Kalaboso ang binagsakan ng tatlong kalalakihang tinaguriang “Santol Boys” makaraang makumpiskahan ng P2.75 milyong marijuana sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency-Cordillera sa Dontogan Road sa Barangay Santo Tomas, Baguio City noong Martes ng umaga. Aabot sa 110 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na may street value P2,750,000.00 ang nakumpiska sa mga suspek na sina Samuel Pascua Pal-iwen, 51; Jose Gumpeng Astudillo, 22; at si Juan Matio Asisto,18, pawang naninirahan sa Barangay Sasaba sa bayan ng Santol, La Union. Pinangunahan ni P/Chief Insp. Edgar Apalla ang buy-bust operation kung saan nasabat ang kilu-kilong sako ng marijuana na pinaniniwalaang nagmula pa sa plantasyon sa hangganan ng LA Union, Benguet at Ilocos Sur. Sa tala ng PDEA-Cordillera, aabot sa 100 kilong pinatuyong dahon ng marijuana ang nasabat mula sa dalawang kalalakihan sa isinagawang operasyon sa bayan ng Kibungan sa Benguet. Artemio Dumlao at Danilo Garcia