CAMP VICENTE LIM, Laguna — Siyam na kawani ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang napaulat na nadale ng grupong bukas-kotse sa bayan ng Carmona, Cavite kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga biktima ng kawatan ay sina Abegail Nominador, Arlene Perez, Sheryl Delmundo, Alice Sanchez, Jennifer Tonlo, Jose Locquiano, Christopher Lacson at si Gemma Gabriel na pawang nakatalaga sa DILG Action Monitoring Center sa National Headquarters Bldg sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay P/Senior Inspector Joselito Sisante, hepe ng Carmona police station, lulan ang mga biktima sa L-300 van (XHX-124) nang magpasyang tumigil sa Paseo de Carmona Complex sa Barangay Maduya para kumain bandang alas-4:50 ng hapon.
Nabatid na papauwi na ang grupo mula sa outing nang magkasundong kumain sa sangay ng Jollibee sa naturang complex na tumagal ng kalahating oras.
Laking gulat na lang ng mga biktima nang bumalik sa van at nadiskubreng wala na ang kanilang mga bag na naglalaman ng personal na gamit, mga celfone at pera.
Ayon sa mga saksi, may pumaradang kulay asul na van na walang plaka sa tabi ng van ng mga biktima na pinaniniwalaang ginamit ng mga kawatan sa paghakot ng mga gamit sa kanilang pagtakas.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang grupo ng kawatan. (Arnell Ozaeta)