Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lider sa purok ng mga rebeldeng New People’s Army makaraang lusubin ang liblib na bahagi ng Sitio Paradise sa Barangay Kapatagan sa Digos City, Davao del Sur kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Paterno Intis, 51, ng nabanggit na barangay. Sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-6 ng gabi matapos magsibaba sa kabundukan ang mga rebeldeng pinamumunuan nina Kumander Jasmin at Marvin bago nagsagawa ng panghaharass sa nabanggit na sitio. Nang makilala ang biktima na lider ng purok ay agad itong pinagbabaril at niransak pa ang mga kabahayan saka tinangay ang 8-shotgun at isang Garand rifle na nasa kustodya ni Intis. Hindi na inabutan ng mga rumespondeng pulis at militar ang mga rebelde na nagsitakas. Joy Cantos