CAMARINES NORTE – Walang buhay na bumulagta ang isang 58-anyos na lalaki na tumatayong caretaker ng isang simbahan makaraang pagbabarilin ng tatlong lalakeng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army sa Purok 4 Sitio Kilometer Zero, Brgy San Isidro sa bayan ng San Lorenzo Ruiz kamakalawa ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Nelson Naz, katiwala ng simbahan at school nursery ng San Lorenzo Ruiz. Nagtamo ito ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa M16 armalite rifle.
Naglalakad patungo sa kanyang maliit na fishpond ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek bandang alas-9:30 ng umaga.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na matagal nang pinagbabantaan ng NPA ang biktima. (Francis Elevado)