BATANGAS – Dalawang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang nangholdap at nakapatay sa isang 68-anyos na lola kahapon ng madaling-araw ang napatay din ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation sa bahagi ng Reaville Subd. sa Barangay 3, Tanauan City, Batangas.
Kinilala ni P/Supt. Jose Pumida, hepe ng Tanauan City PNP, ang mga napatay na sina Edmund Padis, 35 at Armando Endozo na kapwa naninirahan sa Barangay 2 ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman sa ulat na naunang hinoldap at pinagbabaril ng mga suspek ang mag-utol na Magsino na magsisimba sana sa St. John Evangelist Church kung saan napatay si Magdalena habang nasugatan naman si Emilia, 63 na kapwa residente ng Barangay Darasa.
Ayon sa pulisya, kinilala ni Emilia ang dalawang holdaper matapos ipakita ng mga awtoridad ang ilang larawan ng mga notoryus na holdaper. Sa follow-up operationg isinagawa ng mga awtoridad ay namataan ang dalawa na sakay ng motorsiklong walang plaka na bumabagtas sa naturang lugar.
Dito na nagkaputukan matapos na tangkaing ng dalawa na makipagbarilan habang sakay ng motorsiklo. Nagpahayag naman ng pangamba ang mga residente ng lungsod matapos ang serye ng panghoholdap at pamamaril sa loob lamang ng dalawang buwan. (Arnell Ozaeta)