PAMPANGA – Lima-katao kabilang ang apat na pulis ang iniulat na nasugatan makaraang sumalpok ang isang kotse sa owner-type jeep ng mga pulis sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa bayan ng Mexico, Pampanga kamakalawa. Kabilang sa mga sugatang naisugod sa Jose B. Lingad Hospital ay sina P/Senior Insp. Augusto Pasamonte, PO1 Ronald Abaya, PO2 Geral Role, PO2 Winnie Sotero na pawang nakatalaga sa Tarlac provincial police office at si Fitzgerald Padilla ng Baguio City. Ayon sa ulat, sumabog ang kaliwang gulong sa hulihang bahagi ng Honda CRV (XMW468) ni Padilla kaya nawalan ng kontrol at nagtuluy-tuloy sa kabilang linya ng expressway hanggang sumalpok sa owner-type jeep (CNB-892) ng apat na pulis na pabalik na sana sa Tarlac. Dino Balabo