CABANATUAN CITY – Nanawagan ang mga residente ng Barangay Cabu kay City Mayor Alvin P. Vergara na tuluyang ipasara ang mga poultry farm sa kanilang lugar dahil sa masangsang na amoy at nalalagay sa peligro ang kanilang kalusugan.
Pinangunahan ni Chairman Conrado Mercado, ang mga residenteng nagtungo kay P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, Nueva Ecija police director, upang ihayag ang kanilang mga hinaing sa poultry farm na inilarawan nilang pinatatakbo ng mga dayuhan dahil sa maraming taon na ang lumipas ay nanatili pa rin itong marumi, malangaw at mabaho.
Ayon kay Mercado, nabigo ang mga may-ari ng poultry farm na magsagawa ng karampatang hakbang tulad ng instalasyon ng ventilated tunnel upang maiwasan ang sobrang perwisyo sa mamamayan.
Samantala, iginiit naman ng mga may-ari ng manukan, ang kanilang karapatang sa negosyo dahil may mga kaukulang dokumento silang pinanghahawakan na nagpapatunay na pasado ang kanilang manukan sa mga kinauukulang ahensya.
Sa inspection report na nilagdaan nina Allen Fletcher at Federico Sapang, lumilitaw na nabubulahaw ang mga residente sa pagtulog ang pagkain dahil sa masangsang na amoy at dumaraming langaw sa buong kapaligiran. Christian Ryan Sta. Ana