May kasong murder, minarder

ORMOC CITY, Leyte – Pinaslang ang isang lalaki na may kasong murder maka­raang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kala­lakihan sa loob ng kanyang minamanehong multicab sa panulukan ng Rizal at Burgos Avenue sa Ormoc City kahapon ng ma­daling-araw .

Kinilala ni P/Senior Insp. Joseywells Estopen, de­puty chief ng PCP1, ang biktimang napuruhan sa ulo ng bala na si Ramoniptes Torralba y Alinsub, 29, binata at nanini­rahan sa Agua Dulce, Dist. 25.

Ayon kay SPO4 Rudy Sano, si Torralba, ay pa­pa­uwing nagmamaneho ng multicab-van (GNP-394) mula sa isang gotohan sa Avelis St., nang dikitan at pagbabarilin ng tatlong kalalakihang sakay ng kulay pulang Kawazaki Aura motorcycle.

Sa talaan ng pulisya, ki­lalang basagulero ang biktima at kasalukuyang nahaharap sa mga kasong physical injury, threats at kailan lang ay isinangkot pagkamatay ng isang miyembro ng Alpha Kappa Rho fraternity  na si Melchor Inot sa bahagi ng Osmena Street noong Abril 4. (Roberto C. Dejon)

Show comments