Sulyap Balita
Rebel returnee itinumba
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang 20-anyos na rebel returnee makaraang ratratin ng mga dating kasamahang rebeldeng New People’s Army sa Barangay Mapaco, Guinobatan, Albay kamakalawa ng gabi. Siyam na bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Leo Nosares ng Barangay Quitago ng nabanggit na bayan. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Joel Baloro, provincial police director, lumilitaw na nakikipagsayaw sa babae ang biktima nang lapitan at ratratin ng mga armadong kalalakihan. Natulala ang kasayaw na babae sa nasaksihang bumulagta ang duguang biktima sa kanyang harapan. Napag-alaman nagbalik-loob sa pamahalaan ang biktima noong Enero 2008 kung saan hindi nito naibalik sa kilusan ang kanyang baril. (Ed Casulla)
3 tiklo sa drug bust
Tatlong sibilyan ang bumagsak sa kalaboso makaraang masakote ng mga awtoridad na nagbebenta ng bawal pinatuyong dahon ng marijuana sa Barangay Miasong sa bayan ng Tupi, South Cotabato kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Romel Dacudao, 36, ng Barangay Concepcion, Koronadal City; Danny Apura Panulido, 28, ng Forro Subdivision sa naturang lungsod at si Alvin Madiklong ng Blingkong Lutayan, Tupi, South Cotabato na pawang naaktuhang gumagamit ng bawal na gamot. Nakakumpiska rin ang mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) at local na pulisya ng 3 kilong marijuana sa isinagawang drug bust operation. (Danilo Garcia)
3 sumalpok sa truck
Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi makaraang bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa likurang bahagi ng container truck sa provincial road na sakop ng Barangay Ambunao, Calasiao, Pangasinan kamakalawa. Kabilang sa mga namatay habang isinusugod sa ospital ay sina Romulo Ramos ng Zamboanga del Sur; Prudencio Javier ng Tayug, Pangasinan; at si Ricardo Soliven ng Sta. Barbara, Pangasinan. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na magkakaangkas ang tatlo nang mawalan ng kontrol kaya tuluyang sumalpok sa kasunod na truck bago pumailalim pa ang motorsiklo. Hindi naman mabatid sa ulat kung nadakip ang driver ng container van. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending