4 ahente ng palay, hinoldap

STO. DOMINGO, Nue­­va Ecija – Humigit-kumulang sa P.6-M ang natangay ng limang ar­madong holdaper sa apat na mag-aahente ng palay, kabilang dito ang isang babae na binaril pa ng isa sa mga sus­pek, habang ang mga ito ay papauwi sa kani-ka­nilang mga bahay kama­kalawa ng hapon sa may Sitio Sa­ranay, Barangay Baloc, ng bayang ito.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, Nueva Ecija Police provincial director, naki­lala ang mga holdap victim na sina German Ver­soza, Rey­naldo dela Fuente, Jua­nito Taruc, pawang mga na­katira sa Barangay Bakal 3, Tala­vera, Nueva Ecija, at ang babaeng nabaril na si Eva Ebuyat y Ebuyat, 49, may-asawa ng Cu­yapo, Nueva Ecija.

Ayon sa ulat ng pulis­ya, dakong alas-5 ng ha­pon, pauwi na ang mga bik­tima sakay ng owner type jeep (CPP-763) na minamaneho ni Ver­soza, nang bigla silang harangin ng mga sus­pek. Doon ay isa-isa umanong pina­baba ang mga biktima at ianunsiyo ang holdap.

Pilit na kinuha umano ng isa sa mga suspek ang bag na pinagla­lagyan ng P600,000 na kinita ng mga biktima ngunit nan­laban pa umano si Ebu­yat, na may hawak sa na­sabing bag, sanhi upang barilin ito sa kanyang kaliwang hita ng isa sa mga suspek.

Nang makuha ang bag ay agad na nagsi­takas ang mga suspek. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments