Trader pinabulagta

BATAAN – Binaril at napatay  ang isang 41-anyos na trader ng ‘di-pa kilalang lalaki habang ang biktima ay nakaupo sa harapan ng tindahan sa Hill Crest Subdivision sa Barangay Cataning, Balanga City, Bataan kahapon. Kinilala ni P/Senior.Supt. Manuel Gaerlan, ang biktimang si Romeo de Roxas Catapang, tubong Batangas City at kasalukuyang nakatira sa Dinar St. Hill Crest Subd. ng naturang barangay. Ayon kay PO3 John Canare, naitala ang krimen dakong alas-9 ng umaga sa harapan ng naturang tindahan kung saan isang motorsiklo ang huminto at pinagbabaril ang biktima. Jonie Capalaran

NPA ambush: 4 sundalo dedo

Apat na sundalo ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebel­deng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Sitio Palina sa bayan ng Monkayo, Compostella Valley kamaka­lawa. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kabilang sa mga namatay ay sina PFC Romero Miro, Sgt. Daniel Bocter, Sam-o at Galo na kapwa apleyido lamang ang nakuha na miyembro ng Cafgu. Ginagamot naman sina Cpl. Catanduanes, dalawang miyembro rin ng Cafgu na Dandan at Escalera na kapwa apel­yido rin ang nakuha. Napag-alamang patungo sa patrol base sa Kidapang, Barangay San Isidro ang mga biktima nang rat­ ratin ng mga rebelde na pinaniniwalaang pinamunuan ni Ku­man­der Jinggoy. Kahit nalagasan ang tropa ng pamahalaan ay nagawang lumaban. Danilo Garcia

2 bata nangisay sa mainit na tubig

CAVITE – Dalawang bata ang iniulat na nangisay maka­raang buhusan ng mainit na tubig ng isang senglot na kapitbahay sa Villa Esperanza sa Molino 2, Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi. Naisugod sa Molino Doctors Hospital ang magpinsang Jireh Eulalio, 8 at Marry Anne Joy Eulalio, 9, habang nadakip naman ang suspek na si Ange­lico Montiel, 23, tubong Los Baños, Laguna. Ayon kay PO2 Joel Malinao, nagalit ang suspek sa pamilya Eulalio matapos makarinig nang pabalang na salita sa kapitbahay dahil sa pakikipanood ng kanyang mga anak. Dahil dito ay pinauwi na lamang niya ang dalawang anak subalit nang bumalik ay bitbit na ang kaldero ng mainit na tubig at ibinuhos sa magpinsang bata na nanonood ng telebisyon. Cristina Timbang

Show comments