SUBIC BAY FREEPORT – Aabot sa 100 kawani na pinaniniwalaang “ghost employee” mula sa Task Force Subic na pinamumunuan ng namayapang si ret. Gen. Jose Calimlim, ang nadiskubre ni Presidential Anti-Smuggling Group chief Antonio Villar Jr. matapos siyang italaga ng Pangulo na pangasiwaan ang nasabing task force.
“Nagtaka nga ako nung inaayos ko ang plantilya ng task force dahil nalaman ko na may 170 staff kaya pinag-report ko ang lahat sa opisina subalit aabot lamang sa 69 kawani ang nag-report,” pahayag ni Villar. Napag-alaman pa kay Villar na masyadong malaki ang bilang ng mga miyembro ng nasabing task force kumpara sa 100 miyembro ng Presidential Anti-Smuggling Group na nag-ooperate sa buong bansa.
“Pinalitan ko lahat ng staff sa Task Force Subic dahil matagal na rin sila dyan at alam na ang mga pasikut-sikot sa mga transaksyon,” dagdag pa ni Villar.
Nadiskubre ang nasabing isyu matapos lumutang ang ulat na may nakuhang mga pay envelop na may mga laman pang pera sa sreeding machine sa loob ng opisina ni Calimlim na dating hepe ng TFS at tumatayo ring presidente ng Freeport Service Corporation (FSC). (Alex Galang)