CAMP VICENTE LIM, Laguna – Labing-apat na guro na nakatakda sanang dumalo sa management seminar at Palarong Pambansa sa Palawan ang iniulat na nasaktan makaraang mahulog ang kanilang sinasakyan bus sa kanal sa Barangay Tinitian sa bayan ng Roxas noong Martes ng madaling-araw. Kabilang sa mga biktimang naisugod sa Coop Hospital sa Puerto Princesa ay sina Norlita Bulaklak, Jertrudes Malabanan, Maria Rosadel Quibal, Orly Esguerra, Magai Peras, Orlinda Macalintal na pawang naninirahan sa Batangas; Dindo Asibuque ng Puerto Princesa; Jocelyn Dela Cruz ng Manila; Ligaya Silang ng San Pedro, Laguna; Elsie Atienza, Tess Valdez, Severina Ramos, Rufino Castillo, Antonio Ilagan at ang konduktor ng bus. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Supt. Luisito Palmera, Region 4-B police chief, lulan ng Sweety Bus Lines (DWU-125) ang mga biktima patungo ng El Nido mula Puerto Princesa City nang maaksidente sa bandang alas-3 ng madaling-araw. Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, posibleng nakaidlip ang driver na si Roger Rapilla habang nagmamaneho hanggang sa mahulog sa kanal. Arnell Ozaeta