CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlong preso ang iniulat na nakatakas sa Occidental Mindoro provincial jail kung saan isa ang napatay ng mga awtoridad nang abutan sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro noong Martes ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Supt. Luisito Palmera, Region 4-B (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang napatay na preso na si Junjun Ta lamisan na nahaharap sa kasong murder, samantalang nakatakas naman sina Jeffrey Servano at Edmund Estuesta na may mga kasong robbery at paglabag sa Comelec gun ban.
Si Talamisan ay napatay ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at local police matapos mang-hostage ng bata pagsapit sa may Barangay Bayotbot sa bayan ng San Jose.
Ayon kay Palmera, tinutukan ng kutsilyo ni Talisman ang bata na nagbunsod para barilin siya ng isang pulis pero nag-jam ang baril nito hanggang sa mag-agawan na lang sila sa kutsilyo.
Habang nagbubuno, naagaw ng pulis ang kutsilyo hanggang sa masaksak nito sa dibdib ang preso na nagresulta ng pagkakapatay.
Samantala, nagsasagawa naman ngayon ng isang manhunt operation ang mga awtoridad laban sa dalawang preso na nakatakas.
Sa inisyal na ulat, inakyat ng mga preso ang perimeter fence ng provincial jail sa Barangay Magbay bandang alas-2:30 ng hapon
Nalalagay naman sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at papanagutin ang mga jailguard na nagpabaya sa nasabing jailbreak. (Arnell Ozaeta)