CAMP VICENTE LIM, Laguna – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-ama makaraang malunod ang mga ito habang naliligo sa ilog ng Pagsanjan, Laguna noong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Archie Picardo, 29, isang security guard at ang 3-taon gulang na anak nitong si Mark Gian na kapawa residente ng Barangay San Isidro, Pagsanjan, Laguna.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, nagpasyang maligo ang mag-ama sa kalapit na ilog bandang alas-8 ng gabi.
Napag-alamang isinakay ni Archie, ang anak sa kanyang likod habang lumalangoy hanggang sa makabitaw ang bata at tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Sinikap pang sagipin ni Archie ang kanyang anak pero pinulikat ito at tuluyan ding malunod kasabay ng kanyang anak.
Narekober ng mga awtoridad ang bangkay ng batang si Marc Gian bandang alas-9:30 ng gabi, samantala, narekober naman ang bangkay ni Archie bandang alas-8:30 ng umaga kahapon.