CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pinaniniwalaang matinding alitan kaya pinaslang ang mag-utol na lalaki sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Albay at Camarines Sur, kamakalawa.
Base sa ulat ng pulisya, si Generoso Milapres, 43, magsasaka, ay sinakal hanggang sa mapatay ng kanyang utol na si Ely Milapres, 59, dahil sa matinding alitang naganap sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Muladbucad Pequena, Guinobatan, Albay.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na bulag. Samantala, si Joel Marcial, 27, ay pinagtataga naman hanggang sa mapatay ng sariling utol na si Narciso Marcial, 25, sa Barangay Panagan, Tigaon, Camarines Sur kamakalawa.
Napag-alamang nainsulto ang suspek sa tinuran ng kanyang bunsong utol na maghanap ng trabaho imbes na maglasing. Kaya kumuha ng itak at pinagtataga ang sariling kapatid. (Ed Casulla)