Pinangangambahang namatay ang 13 katao kabilang ang isang class valedictorian makaraang lumubog ang sinasakyan nilang pumpboat noong Miyerkules habang naglalayag sa karagatang nasasakupan ng Balut Island sa Sarangani, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang sa mga pinaghahanap ay ang magkapatid na sina Dianne de Arsi, nahirang na Class Valedictorian sa kanilang graduation day at kapatid nitong si Allan.
Nitong Huwebes ay nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad subali’t hanggang nitong Biyernes ay nabigong matagpuan ang mga nawawalang biktima.
Nabatid na umabot na sa Marusi Island sa paghahanap ang rescue team na kinabibilangan ng Philippine Coast Guard, Maritime Police at iba pa subali’t ni bakas ng sinasakyang pumpboat ng mga biktima ay hindi natagpuan.
Maliban sa magkapatid na de Arsi, apat na pamilya at walong nakisakay lamang sa pumpboat ang pinangangambahang nalunod rin sa trahedya.
Kagagaling lamang ng mga biktima sa pagdalo sa isang kasalan sa Barangay Mabias, Balut Island nang aksidenteng lumubog ang pumpboat. (Joy Cantos)